Pagmumuni-muni sa Banal na Pamilya

Sunday Gospel Reflection
Feast of the Holy Family
Luke 2:22-40
 
Pagmumuni-muni sa Banal na Pamilya
Rea F. Bunuan
Ministry of Lectors and Commentators
 
Sa araw na ito ng Kapistahan ng Banal na Pamilya, inaalala natin ang halimbawa nina Jose, Maria at Hesus na pinagbuklod dahil sa kanilang mapagpakumbabang pagsunod sa Diyos. Mga ordinaryong tao lamang sina Jose at Maria na binigyan ng napakahalagang misyon. Sila ay dumanas ng panganib at pagkabigo dahil dito. Sa huli, napagtagumpayan nila ang mga pagsubok na ito dahil sa kanilang buong-pusong pagtitiwala sa Diyos.
 
Minsan, napapaisip ako kung ano kaya ang isang ordinaryong araw para kina Jose, Maria at Hesus. Ano kaya ang pakiramdam nina Jose at Maria na tumatayong magulang at gabay ng Anak ng Diyos dito sa lupa? Anu-ano kaya ang kanilang pinagkaka-abalahan at pinag-uusapan? Sa lahat ng katanungang ito ay may tiyak na kasagutan: ang tahanan ng Banal na Pamilya ay puno ng pagmamahal, kapayapaan at pagkakaisa. Ang Diyos ang sentro ng kanilang buhay-pamilya.
 
Kung titingnan ko ang aking sariling pamilya, ako ay mapapa-buntong-hininga na lamang dahil napakalayo pa namin sa pagiging isang banal na pamilya. Huwaran sa pagiging banal sina Jose, Maria at Jesus. Mahirap sundan para sa ating mga ordinaryong tao. Gayunpaman, tiyak akong tigib sa pang-araw-araw na pagsubok ang buhay nila. Tulad natin, inisip din nila kung paano matutustusan ang gastusin sa bahay, ang kakainin sa araw-araw at ang pagtugon sa obligasyon bilang kamag-anak, kaibigan at mamamayan.
 
Bakit nga ba pinili ng Diyos na ipakilala ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng isang pamilya at danasin nito ang mga hamon na nakapaloob dito? Maaari namang bumaba na lamang si Hesus mula sa langit taglay ang kapangyarihang baguhin ang mundo. Ngunit si Hesus ay dumating sa atin bilang sanggol na mamumulat sa ordinaryo ngunit mapagmahal na pamilya.
 
Mapagmahal. Ito maaari ang dahilan kung bakit nagpasiya ang Diyos na isilang si Hesus sa isang pamilya. Sa Kaniyang pagmamahal sa atin, nais Niyang maging bahagi tayo sa Kaniyang kabanalan. Nais niya tayong maging banal hindi dahil sa sarili nating kakayahan kundi dahil sa biyaya na tanging Siya lamang ang makapagkakaloob. Tunay ngang maraming hamon ang kinahaharap ng pamilya. Tunay ngang mahirap maging banal; ngunit ang biyaya ng Diyos ang Siyang magpapabanal sa atin. At tulad nina Jose, Maria at Jesus, kailangang ibigay natin sa Diyos ang lubos nating pagtitiwala.
 
Ganon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin na itinuro pa Niya kung ano ang dapat nating gawin upang maging banal: “…dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. Magpasensiya kayo sa isa’t isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa.” (Colosas 3:12-14).
 
Sa Kapistahang ito ng Banal na Pamilya, bakit hindi natin simulang tahakin ang daan sa kabanalan sa pamamagitan ng maliliit na bagay? Samahan natin si Tatay sa pagbili ng kanyang gamot sa Mercury, sunduin natin si Nanay mula sa kanyang pamamalengke, alagaan natin si bunso, at tawagan sina Tito at Tita at kumustahin sila.
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!