Pagbabalik-loob

Sunday Gospel Reflection
Fourth Sunday of Lent
Luke 15:1-3, 11-32 | March 27, 2022

Pagbabalik-loob
Rea Bunuan
Ministry of Lectors and Commentators

Tuwing binabasa ang kuwento ng alibughang anak, naaalala ko ang obra ni Rembrandt van Rijn na “The Return of the Prodigal Son.” Ang liwanag sa obrang ito ay nakatuon sa tatlong pangunahing karakter sa kuwento. Pinakamaliwanag ang sa mukha ng ama na bahagyang nakapikit ang mga mata na wari mo’y mapapaiyak sa magkahalong pananabik at pagkatuwa sa pagbabalik ng anak. Bahagya siyang nakayuko, parang nakikinig sa pagsisisi ng anak at tinutulungan niya itong makatayo muli. Kapansin-pansin dito ang kamay ng ama. Ito ay bukas, nakalapat sa likod ng kanyang anak. Puno ng pagmamahal. Nagbibigay ng pagbabasbas.

Bagamat nakatalikod, may liwanag din sa anak na nakaluhod. Nakabaon ang ulo niya sa dibdib ng ama, larawan ng lubos na kahihiyan at pagsisisi. Gula-gulanit ang kanyang damit. Wasak na ang sapatos. Napakalaking kaibahan sa magarang kasuotan ng kanyang ama. Pinapaalala na noo’y nasa mabuti siyang pangangalaga ng kanyang ama ngunit iniwan ang lahat ng iyon masunod lamang ang layaw.

Ang pangatlong liwanag ay nasa mukha ng isang kapatid. Matalim kung tumingin at mahigpit na nakatikom ang bibig. Ang mga kamay niya’y magkadikit, ibang-iba sa kamay ng kanyang ama. Bakas ang galit sa tagpo na nasa kaniyang harapan. Hindi niya naunawaan ang lalim ng pagmamahal ng kanyang Ama para sa kanilang magkapatid.

Nakakaantig ang obrang ito hindi lamang sa ganda ng pagkakagawa kundi higit lalo na sa paglalarawan ng damdamin kapag tayo ay nagbabalik-loob sa Panginoon. Kinukurot ang puso ko tuwing pagmamasdan ang malumanay at mapagmahal na kamay ng ama sa likod ng nagsisising anak. Ganitong-ganito ang pakiramdam ko tuwing nangungumpisal. Kapag ginagawad na ng pari ang pagpapatawad, hindi ba’t parang niyayakap tayo ng Panginoon at pinadarama Niya sa atin na Siya’y maligaya sa ating pagbabalik-loob?

Ang mga pagbasa sa Ika-Apat na Linggo ng Kuwaresma ay may tema ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang mga ito ay pagpapaalala sa atin na ang tawag ng pakikipagkasundo sa Diyos ay nagmumula rin sa Kanya. Tayo na ngang tao ang lumayo ngunit ang Diyos pa rin ang gumagawa ng paraan upang tayo ay magbalik sa Kanya. Tunay nga na walang katulad ang pagmamahal ng Diyos sa atin!

May pumipigil ba sa iyong pagbabalik-loob sa Diyos? Ano ‘yon? Lumapit ka lang sa Kanya. Wala akong duda, hinihintay ka lang Niya.

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!