God or Me?

Sunday Gospel Reflection
31st Sunday in Ordinary Time
Mark 12:28b-34 | Oct. 31, 2021

God or Me?
Nico Gamaliel

Ang First Reading natin sa Misang ito ngayong araw ay kilala ng mga Hudyo bilang “the great Shema.” Sa wikang Hebrew, ang unang dalawang words nito [Deuteronomy 6:4] ay “Shema, yisrael” na ang ibig sabihin sa English ay “Hear, O Israel!” Dinarasal ito ng mga Hudyo araw-araw, sa umaga pagkagising at sa gabi bago matulog. Ang passage na ito ay ang Jewish ‘confession of faith’ o isang pagdedeklara nila ng saligan ng kanilang pananampalataya. Ito ang pinaka-unang prayer na natutunan ng mga Jewish children. Walang ibang panginoon ang Israel kundi ang nag-iisang Diyos [“The LORD is our God, the LORD alone!”].

Sa bahaging iyon kasi ng kasaysayan ng Israel (panahon ng Deuteronomio), pinapanday pa at hinuhubog ng Diyos ang kaniyang hinirang na bayan. Maraming iba-ibang lahi at karatig bayan na nakapalibot noon sa lipi ng Israel. Ang mga ito may kulturang polytheistic—ibig sabihin ay mayroong sistema ng napakaraming mga diyos at diyosa na kanilang sinasamba. Doon maiiba ang chosen people ni God. Wala silang ibang sasambahin at kikilalaning panginoon kundi ang nag-iisang Lord God Almighty—isang monotheistic race (iisang diyos lang ang ang kikilalanin at sasambahin) na kakaiba sa lahat ng lahi.

Take note na ang translation sa English ng ‘shema’ ay ‘hear’ at hindi ‘listen.’ Ang katumbas nito sa Tagalog marahil ay ‘makinig,’ na iba pa sa ‘pakinggan.’ Hindi obvious ang pagkakaiba, pero kung pagninilayan natin maigi ay malaki ang diperensya. In the first case (‘hear/makinig’), malinaw na ito ay isang imperative, may sense ng isang utos na dapat sundin. Yung second case kasi (‘listen/pakinggan)’ medyo may sense pa na optional lang at hindi obligatory. Ibig sabihin, ang “great Shema” ay isang kautusan.

Kaya maituturing na ang “great Shema” ng Deuteronomio 6:4 ay isang pagpapalawig ng Unang Kautusan o First Commandment na nakasaad sa Exodo 20:3, “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.” (Take note uli: ang Ten Commandments ay hindi Ten Suggestions o Ten Requests; Sampung Utos, hindi Sampung Mungkahi o Sampung Pakiusap.) Dapat itong sundin, no questions asked. Ayon sa isang biblical commentary, ang First Commandment ay hindi isa lamang mula sa sampu. Ito ang pinaka-pundasyon at main principle ng iba pang mga Commandments o Kautosan.

Ito ang dahilan kung bakit, sa ating Gospel Reading ngayon [Mark 12:28b-34], noong may nagtanong kay Jesus hinggil sa kung ano ang pinakamahalagang kautusan, Jesus quoted the great Shema of Deuteronomy 6:4-5 (kagaya din sa Mateo 22:37-38; pero sa Lucas 10:27, yung taong nagtanong ang nag-quote kay Jesus nung Shema bilang tugon). Maraming beses din inulit ang principle na dapat natin mahalin ang Diyos, at tanging siya lang, “with all our heart, soul, strength/being” [matutunghayan sa Deuteronomy 4:29; 10:12; 11:13; 13:4; 26:16; 30:2, 10; 1 Sam 7:3; 2 Kings 23:3, 25].

Sinegundahan pa ito ni Jesus ng “second commandment”—ang pagmamahal sa kapwa—na actually ay rephrase din ng Leviticus 19:9-18, kung saan malinaw sa utos ng Diyos na ang pagkalinga sa kapwa ay extension ng pagmamahal natin sa kaniya. Pansinin na nasa huli ang ‘self’: love God and love neighbor as yourself.

Ang mga versions ng “great Shema” [ Deuteronomy 6:4-5] ay medyo may dagdag sa New Testament [Matthew, Mark, and Luke]. Sa Old Testament, ang utos ay “love the LORD, your God, with your whole heart, and with your whole being, and with your whole strength.” Pero sa mga bersyon nito sa New Testament, tila idinagdag ang “and with all your mind.”

Sa wikang Ingles, ang ‘mind’ ay may mga kaakibat na konseptong ‘intellect’ (dunong) at ‘will’ (kagustuhan) o consciousness/awareness (pagkamalay). Para sa ating mga modernong tao ngayon, marahil ay mahalaga ang ‘dagdag’ na ito. Sa Lumang Tipan kasi, ang ipinag-uutos ay ang mahalin ang Diyos ng “buong puso, buong pagkatao, at buong lakas.” Kung tatanggapin ang passage na ito sa literal meaning lamang, tila emosyon ang pinaka-pundasyon ng pagsamba sa Diyos. Parang wala itong masyadong pinagka-iba sa isang tao na head-over-heels in love sa kaniyang napupusuan: buong puso, pagkatao, at lakas ang binibigay sa sinisinta, pero medyo kulang sa isip. Kaya, to the modern sensibility, parang mas angkop nga yata yung ‘adaptation’ ng Shema sa Bagong Tipan kung saan idinagdag ang napakahalagang aspeto ng pag-iisip o ‘mind.’ Otherwise, kung puro damdamin at diwa lang ang puhunan natin sa ating pagsampalataya, hindi tayo nalalayo sa mga kapatid nating madaling mabulagan at agarang sumasanib sa kung anu-anong mga kulto at sekta, kapag kulang sa mindfulness—o sadyang pagkilatis, pagsuri, at pagnilay sa mga batayan ng ating sinasampalatayanan.

—–

Dito ngayon lumalabas ang medyo mabigat at maanghang na pahayag ni San Geronimo (St. Jerome)—isang obispo, monk, at scholar na siyang nagtranslate ng sinaunang mga Kasulatan sa isang kumpletong Bibliya na nasusulat sa ordinaryong wika noong panahon niya (‘vulgar’ Latin, o ang Latin ng common tao, as compared sa High Latin o ang Latin ng mga edukadong elite; ang “Vulgata” o Latin Vulgate ang siyang naging opisyal na edition ng Holy Bible na ginamit ng Simbahan sa loob ng higit isang libong taon). Sabi ni St. Jerome, “Ignorance of Scripture is ignorance of Christ” (“Ang kamangmangan sa mga Kasulatan ay Kamangmangan kay Kristo.”). Pinagtitibay rin ito magpahanggang ngayon ng ating Catechism of the Catholic Church o CCC sa paragraph 133.

Ano ngayon ang koneksyon ng mga Kasulatan (Scripture), si Kristo, at ang great Shema?

Sa ating Second Reading ngayon [Hebrews 7:23-28], ipinapahayag ng may-akda ng Liham na si Jesus ay isang Pari na ka-antas ni Melchizedek na isang mahiwagang banal na tao noong panahon ni Abraham. Ayon sa logic ng passage na ito sa Liham sa mga Hebreo, tanging si Jesus lamang ay sapat na para sa ating kaligtasan upang palitan ang sinaunang sistema ng di-mabilang na mga paring Levitico (na kailangang palaging palitan ng panibagong henerasyon ng mga pari sa simpleng dahilan na kalauna’y nangangamatay din ang mga mortal na paring ito). Si Jesus ang ‘one-time-big-time’ pari na hindi na kailanman kailangang palitan dahil nagapi na niya ang puwersa ng kamatayan. Dagdag pa, siya ay hindi ordinaryong paring Levitico, kundi nasa mataas na antas na kagaya ng mahiwagang si Melchizedek. Sa wikang Hebreo, ang pangalang Melchizedek ay binubuo ng dalawang salita: ‘melek’ (king/hari) at ‘zedek’ (righteousness/katuwiran, o pagiging matuwid). Kaya ang kahulugan ng Melchizedek ay ‘king of righteousness’ o ‘hari ng katuwiran.’ Hindi nga ba’t wala nang ibang maaring mag-claim ng titulong ito kundi si Jesus?

Ano ang saysay ng pagiging pari ni Jesus para sa ating sangkatauhan?

Noong panahon ng Old Testament, ang pari ang namamagitan, o mediator, sa mga tao at sa Diyos. Para maiparating sa Diyos ang anumang pagsusumamo o kahilingan ng mga tao, kailangan muna ng pari (dahil siya mismo ay isa ring tao lamang) na ihingi ng tawad ang kaniyang mga kasalanan at ipurify ang sarili bago siya maging karapat-dapat na gampananan ang mga ritwal—kagaya ng pagpapadugo ng mga piling hayop—na magrerepresent ng mga petisyon ng mga tao tungo sa Diyos.

In the case of Jesus, una ay hindi na niya kailangan ng self-purification dahil bagamat siya ay isinilang na tao, siya ay walang bahid ng kasalanan. Pangalawa, hindi na niya kailangan gampanan ang paulit-ulit na ritwal ng pagpapadugo dahil ginawa na niya ito nang minsanan, mismo sa kaniyang sarili, sa pamamagitan ng kaniyang madugong pagkamatay sa Krus (at muling pagkabuhay).

Kaya si Jesus ang minsanang Pari na mamamagitan para sa sangakatauhan at sa Diyos, magpakailanman. Ang arrangement na ito—sa pagitan ng Diyos Ama, Diyos Anak, at sangkatauhanؙ—ay hindi matitinag hanggang sa wakas ng panahon. Yun ang sinasambit sa ating piling Salmo ngayong araw [Psalm 18]: ang Diyos ang ating matibay na sandigan at kutang-bato, ang ating kaligtasan at depensa sa panahon ng mga sakuna at pagsubok.

—–

Magdadalawang taon nang naghihirap ang buong mundo dahil sa pandemic. Hanggang ngayon, marami sa atin ang hindi pa rin mahiwagaan ang kahulugan ng lahat ng nagyayari. Wika nga, may dalawang pagtanaw sa isang sitwasyon: either the glass is half empty or half full.

Sa mga negatibo mag-isip, nangangamba sila na ang lahat nitong nagaganap ay kaparusahan ng Diyos. Marami ang naniniwala na ito na ang senyales ng “end times;” mas pinipili nilang maniwala kay Nostradamus at kung sinu-sino pang mga sensational authors sa social media kaysa kay San Juan Evangelista na siyang binigyan ng pribilehiyo na masaksihan ang tunay na mga magiging pangyayari sa wakas ng panahon. Madali silang makumbinsi na ang Aklat ng Pahayag (Book of Revelation) ay naglalaman ng maliligalig na propesiya, sa halip na unawain ito nang tama bilang climax ng buong kuwento ng salvation history—na siyang nilalaman ng buong Biblia—kung saan ginagarantiya mismo ni Jesus na magtatagumpay ang kabutihan laban sa kasamaan [Pahayag 1:3; 22:16].

Sa kabilang dako, ang mga positive minded ay naniniwalang ito na ang panahon na direktang nagpaparamdam sa atin ang Diyos dahil inilantad niya sa atin ang kahibangan ng ating kamundohan kung saan lubos na natin siyang nakalimutan. “God is the god of history,” involved siya sa lahat ng nangyayari sa bawat yugto ng kasaysayan ng mundo—isa itong basic principle ng Christian theology. Maaaring totoo na ang mga paghihirap na dinaranas natin ngayon ay bunga na rin ng ating pagsasawalang-bahala sa mga kautusan ng Diyos simula’t sapul (halimbawa, ang paglalapastangan sa Kalikasan at pang-aabuso ng human scientific knowledge). Pero naroon pa rin ang assurance ng Diyos na palagi natin siyang kasama at di niya tayo iiwan [Mateo 28:20]. Kaya very timely lang siguro na tingnan natin itong pandemyang ito bilang isang malaking pagkakataon na binigay sa atin ng Diyos upang tayo’y manumbalik sa kaniya at bigyan siya ng kaukulang panahon at pansin.

Ano ngayon ang dapat nating gawin? Paano ba natin higit na makikilala ang Diyos?

Para sa ating mga mortal na nilikha, imposible ito dahil may hangganan ang ating pag-iisip at pang-unawa. Pero ang Diyos na mismo ang may initiative na makilala natin siya. Nagpakilala siya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang Salita, mula pa noong mga sinaunang patriarchs hanggang sa kasalukuyan nating realidad kung saan naririnig natin ang patuloy niyang pagpapakilala sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Salita na nakapaloob sa sacred Scripture.

Katunayan, ang buong cosmos ay nalikha sa pamamagitan lamang ng kaniyang Salita. Sa paglipas ng panahon, ang tao’y paulit-ulit na nagkasala at nakalimot o tumalikod sa May Likha. Kaya dumating ang panahon kung saan “Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling natin” [Juan 1:14].

Ganunpaman, ang abstract na Salitang ito ay matatagpuan natin sa araw-araw, at hindi malayo sa atin [Roma 10:8; Deuteronomio 30:14]. Ito ay nakapaloob sa mga Kasulatan na matatagpuan—anumang oras nating naisin—sa mga pahina ng Banal na Bibliya. Dahil ang salita ng Diyos na nasa anyo ng printed text ay siya ring Salita ng Diyos na nagkatawang-tao para sa ating kaligtasan, at patuloy na nabubuhay sa ating piling.

Eto ngayon ang tanong: nagbabasa ba tayo ng Bibliya? Binibigyan ba natin ng panahon na makilala si Jesus at magkaroon ng nararapat na pagpapahalaga sa Diyos? Ano nga uli yung utos sa ating lahat na nakasaad sa “great Shema?”

—–
Laganap pa rin ngayon ang pandemya. Marami sa atin, kaliwa’t kanan ang naging krisis: nawalan ng trabaho o kabuhayan, nalagasan ng mga mahal sa buhay (kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kakilala, etc.). O maaaring ang ilan sa atin mismo ang sumalang sa bingit ng kamatayan nang tamaan ng Covid. Sa gitna ng mga lagim na iyon, tiyak na nanalangin tayo nang puspusan. Nanawagan pa nga tayo ng tulong mula sa iba’t ibang prayer groups. Halos lahat ng mga santo ay tawagin na natin; naglabasan ang mga nakatagong nobena. Gusto lang kasi nating lakihan ang ating chances na marinig tayo ng Diyos at pagbigyan niya ang ating mga kahilingan.

Pero sabi nga ni St. Augustine, “When we pray, we speak to God. When we read the Bible, God speaks to us.” Sa sitwasyong inilarawan sa taas kung saan puspusan ang ating pananalangin, binibigyan din ba natin ang Diyos ng puwang na siya naman ang magsalita sa atin, imbes na tayo lang palagi ang nagsasalita sa kaniya? Kasi kung ganoon man, aba’y tila one-way ang communication. Unfair yata kay God!

Bago pa magka-Covid, nasabi na ng mga sociologists na tayo ay nasa panahon ng “ME generation” bunsod na rin ng social media. Halimbawa, laganap ngayon ang mentalidad ng self-importance: “MY wall, MY opinion: respect ME!” Pati sa larangan ng photography—kaya nga nauso ang phenomenon ng ‘selfie.” Nandyan din ang isang platform kung saan maraming nagpo-post ng kanilang mga sayaw, para lang makakuha ng maraming ‘likes’ at ‘followers,’ para maging sikat. (Imagine na lang ang ginugol na oras para mag-choreograph, mag-rehearse, mag-record paulit-ulit, mag-edit, mag-post, at abangan at replyan ang comments para lang dito.)

Dahil sa social media, wala na ring takot ang ilan sa atin na mag-champion ng mga ideolohiyang malinaw na taliwas sa mga turo ng Simbahan at sa mga kautusan ng Diyos: kagaya halimbawa ng same-sex ‘marriage,’ gender reassignment, divorce, abortion, at marami pang iba. Ang iba pa nga, nakapanood lang ng video sa YouTube o kaya’y nakapagbasa ng kaunti ng kwestyonableng post sa Facebook ay ganoon na lang magdesisyon na hindi na raw sila naniniwala sa institusyon ng Papacy (na maraming batayan sa Bibliya). Muli: “MY wall, MY opinion, respect ME!”

Dagdag pa, lalo ngayong panahon ng pandemya kung saan halos lahat tayo ay naka-house arrest, laganap ang pagkalulong sa mga entertainment platforms kung saan nalululong ang iba (halimbawa) na magpuyat para sa binge-watching ng paborito nilang mga imported teleserye. Wala namang masama sa private entertainment. Pero, kapag hinikayat na maglaan ng kaunting atensyon sa pag-aaral ng Scripture, kadalasang dahilan ay “walang time.”

Sa ganitong equation ng ating kasalukuyang realidad—may Covid; may Facebook at Twitter, Tiktok at Netflix etc.—marami nang online formation programs for biblical formation and spiritual development—marapat sigurong siyasatin natin ang ating mga sarili kung ano talaga ang binibigyan natin ng higit na pagpapahalaga, kung saan natin ibinubuhos ang “all our heart, soul, strength and mind.”

Pagnilayan na lang natin ang Readings ngayong araw na ito. Sana ay hindi tayo humantong sa realization na inuubos pala natin ang ating buhay sa paraang “I worship myself above all things. Si God? Pag may time na lang.”

Tandaan natin na ang isa sa pinakamalalang kasalanan ng Israel ay ang idolatry. Anumang bagay na mas binibigyan natin ng halaga (lalo kapag ito ay ang ating ‘self’) kaysa sa Diyos ay isang anyo ng idolatry. Ang lubos na pagpapahalaga sa self-interest ay isang form ng idolatry. At anumang idolatry ay isang anyo ng disobedience—na siyang buod ng original sin nina Adan at Eba.

Sumusunod pa ba tayo sa “great Shema”?

Bilang pangwakas, nais kong ibahagi ang insight na ito (patungkol sa Genesis 3 at Romans 1:18-32) mula sa isa nating kapatid sa pananampalataya na si Pastor Mel J. Cartera, isang dalubhasang translator at lecturer sa Philippine Bible Society:

“We have eaten of the fruit of the tree of knowledge of good and evil.
We can now determine for ourselves what is right and what is wrong, independent of God and His Word.
We are like God, as the serpent promised!
Or so we have convinced ourselves.
We [have become] like God!”

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!