Babalik kay Kristo

Sunday Gospel Reflection
31st Sunday in Ordinary Time
Luke 19:1-10 | October 30, 2022

Babalik kay Kristo
Robert Badrina
Ministry of Lectors and Commentators
Coordinator, Parish Biblical Apostolate

Taong 2017 noong una akong nakabisita sa isang kulungan. Kasama ko si Fr. Tony Basilio, SJ, nagtungo kami sa Davao Penal Colony upang magmisa kasama ang mga inmate ng Medium Security Compound. Dalawang beses kaming nagmisa, una para sa mga kababaihan at ikalawa sa mga kalalakihan. Magkaiba ang karanasan bagama’t parehong nasa piitan. Ipinaghanda kami ng almusal ng mga kababaihan habang saglit na nakipagkuwentuhan sa amin matapos ang misa. Sa paglipat naman namin sa mga kalalakihan, nagulat ako na pinalilibutan kami ng maraming mga inmates habang naglalakad sa loob ng piitan. Hindi ako sigurado kung magiging panatag ba ako dahil protektado kami o matatakot dahil baka biglang magkagulo gaya ng mga napapanood ko sa pelikula.

Sa parehong taon din ay bumisita naman ako sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa sa pangunguna ng Philippine Jesuit Prison Service Foundation Inc. (PJPS). Mas matagal ang naging pakikihalubilo ko sa mga nasa piitan kumpara sa unang karanasan sa Davao. Naalala ko na nahihiya pa akong tanungin kung ano ang mga kaso nila pero sila na rin ang kusang nagbahagi. Child abuse, murder, rape, drugs at iba pang kaso na sa balita ko lamang naririnig. Ang tumatakbo sa isip ko noon, “Kaya kayo narito dahil sa mga kasalanan ninyo, deserve ninyong maparusahan.” Subalit sa paglisan namin, tumimo sa aking isip at puso ang sinabi ng isang person deprived of liberty o PDL (ang mas tamang tawag sa mga nasa loob ng kulungan): “Sana bigyan pa ulit kami ng isa pang pagkakataon na magbagong buhay.”

Binalikan ko ang dalawang karanasan na ito habang pinagninilayan ang mga pagbasa sa Linggong ito. Ang kuwento ng mga PDL ay kahalintulad ng kuwento ni Zacchaeus, itinuturing na makasalanan at hindi katanggap-tanggap sa lipunan noong panahon ni Kristo. Hindi ko makalimutan ang karanasan kung paano kami pinakain at inasikaso ng mga kababaihan, gayundin ang pagprotekta at pagtanggap ko ng Eukaristiya mula sa mga kalalakihan ng Davao Penal Colony. Naantig din ang aking puso sa itinuran ng isang PDL mula sa Bilibid na nakikiusap na mabigyan pa ng isa pang pagkakataon. Sa mga karanasang ito, naramdaman ko ang pagnanais nilang magbalik-loob sa Panginoon at tanggapin natin na mga nasa malayang lipunan. Nabanaag ko sa kanilang mga mata ang pagtanggap sa kanilang pagkakamali at hangaring makapagsimula muli. At gaya natin, sila rin ay mga anak, magulang, kapatid at kaibigan, nagmamahal at minamahal. Hindi nawala nang dahil sa kanilang pagkakamali ang kanilang kakayahang magmahal at mahalin.

Ginugunita natin ngayon ang 35th Prison Awareness Sunday na may tema na “Towards a Listening, Healing and Loving Correctional Community.” Isa itong paanyaya sa atin na muling tingnan ang mga nasa loob ng bilangguan bilang ating mga kapatid at mapakinggan ang kanilang pangangailangan ng ating tulong, pang-unawa at pagtanggap. Ipinaalala sa atin ni Pope Francis na mahalagang hindi lamang natin makita ang mga nasa piitan bilang mga kriminal na walang pag-asa; kailangan din nating maalala na lahat tayo ay katulad din nila na nagkakamali at maaaring magsimulang muli. Ang sabi nga ni Fr. Bong Guerrero sa kanyang homiliya noong nakaraang Linggo, ang pinagkaiba lang daw natin sa mga nasa loob ng kulungan: sila ay nahuli, tayo ay hindi. Ngunit lahat tayo ay nagkakasala sa Panginoon at umaasa lamang sa kanyang habag at awa.

Tayo ay patuloy na inaanyayahan na bumalik kay Kristo. Ang kuwento ni Zacchaeus ay paalala sa atin na ang Diyos ay laging naghihintay sa ating pagbabalik. Walang salitang namutawi sa bibig ni Zacchaeus, sapat na nakita ni Kristo ang pagnanais niyang magbalik-loob. Hindi rin natatapos sa pagbabalik kay Kristo ang kuwento ni Zaccahaeus, narinig din natin sa pagbasa kung paanong ipinamigay niya ang kanyang yaman at nangakong iiwasan na muling magkasala. Dito natin makikita kung paanong ang pakikipagtagpo kay Kristo ay nagpapabago sa atin. Tinutulungan tayong maging mas mapagmahal lalo na sa ating kapwa.

Ito ay halos katulad ng kuwento ng alibughang anak, na matapos lustayin ang yaman ng kanyang ama, bukas-loob pa rin siyang tinanggap nito sa kanyang tahanan. Ang kuwento nga raw ng alibughang anak ay hindi natapos sa pagbabalik niya sa kanyang ama, makailang beses pa raw na umalis ang anak at makailang beses din siyang muling tinanggap ng kanyang ama. Ito rin ang paanyaya ng Diyos sa atin, ang lagi tayong bumalik sa kanya lalo na sa tuwing tayo ay naliligaw ng landas. Sabi nga ni Mother Teresa, “saints are only sinners who keep on trying.” Hilingin natin sa Diyos ang awa at biyaya ng patuloy na pagbabalik-loob kay Kristo.

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!