Ascension, Forty Days, at ang “Noli Me Tangere”

Sunday Gospel Reflection

Solemnity of the Ascension of the Lord

Luke 24:46-53 | May 29, 2022

 

Ascension, Forty Days, at ang “Noli Me Tangere”

Nico Gamaliel

 

Ipinagdiriwang natin ngayong Sunday na ito ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, o Solemnity of the Ascension of the Lord. Sa Gospel reading ngayong araw (Lucas 24:46-53), binanggit sa verse 51 na “Habang binabasbasan niya sila, siya’y umalis [at dinala paakyat sa langit].” Kung babasahin ang buong chapter ng Lucas 24 mapapansin na ang Pag-akyat o Ascension ay tila naganap sa parehong araw ng Muling Pagkabuhay o Resurrection.

 

Pero sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol o Acts of the Apostles (chapter 1:3, 9), ang Ascension ay naganap forty days pa “pagkatapos ng kanyang pagkamatay” (Mga Gawa 1:3, Magandang Balita Biblia o MBB). Tandaan natin na ang aklat ng Mga Gawa ay si Lucas din ang may-akda, at ang aklat na ito ay itinuturing na ‘sequel’ (Mga Gawa 1:1) sa kanyang unang ‘aklat’ na tinatawag nating ‘Ebanghelyo ni San Lucas’ o ang ‘Third Gospel.’

 

Kung si San Lucas ang sumulat ng dalawang aklat, bakit tila inconsistent ang kanyang salaysay? Tatalakayin natin ito sa ibaba. Tunghayan muna natin yung nabanggit na “forty days” sa version ng Ascension sa Acts of the Apostles.

 

FORTY DAYS

 

>> “Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya’y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos.” (Mga Gawa 1:3, MBB)

 

Ang talata o verse na ito marahil ang naging batayan ng kaugalian nating mga Pilipino ng ‘forty days’ na padasal para sa ating mga mahal na yumao. Ayon na rin sa pagsasalarawan sa nabanggit na verse, nagkaroon ng kakaibang interpretation sa tradisyong Pilipino ang pag-angkop natin nito sa ating cultural consciousness. Siguro ito ang ugat ng umiiral nating paniniwala na ang mga kaluluwa ng mga mahal nating yumao ay nanatili pa rin dito sa mundo sa loob ng forty days matapos ang kanilang pagkamatay.

 

At sa loob ng forty days na ito, posible ang kanilang ‘pagpaparamdam’ sa kanilang mga naulila. Kaugnay nito, laganap din ang paniniwala na ang mga kaluluwang ito ay kadalasang ‘dumadalaw’ sa atin sa anyo ng insekto na kadalasan ay paru-paro o kaya ay moth. Pero magandang itanong: bakit moth o paru-paro?

 

Kung susuriin at pagninilayan natin, hindi sinabi sa Scriptures na ang kaluluwa ng taong namatay ay gumagala pa rin sa mundo sa loob ng forty days bago tuluyan lumisan — hopefully papunta sa langit kagaya ni Jesus. Wala rin batayan sa mga Kasulatan na ang kaluluwa ng isang yumao ay sumasanib sa mga insekto para dalawin ang mga naulila. Ang paniniwalang ito ay isang kombinasyon o ‘hybrid’ o ‘fusion’ ng magkaibang religious beliefs. Ang pagsasanib na ito ay tinatawag na ‘religious syncretism.’

 

Katulad na rin ng nabanggit ng ating parish priest na si Fr. Bong Tupino sa homily niya noong nakaraang Easter Sunday upang ipaliwanag ang ilan sa ating mga religious traditions gaya ng Pabasa (Pasyon) at Salubong, ang mga ito ay resulta ng ‘Filipino theological imagination.’ Ibig sabihin ay inaangkop natin sa ating sariling kultura ang mga theological meanings na nasa ilalim ng mga Kasulatan o Scriptures. Binibigyan natin ng unique Filipino expressions ang ating pag-unawa sa mga theological teachings na ito.

 

Pero, paano ba binibilang ang ‘forty days?’ Kailan ang simula? Ang Day-1 ba ay ang araw ng pagkamatay, o ang kinabukasan pa ang Day-1?

 

Pati ang mga banal na Kasulatan ay tila hindi rin malinaw tungkol dito. Sa Acts 1:3, sinasabing “…apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay…” Ibig sabihin ba nito ay Sabado de Gloria ang Day-1 ng forty days? Sa liturgical calendar naman (pre-Vatican II), Easter Sunday ang Day-1 kung kaya ang 40th day ay pumapatak sa Ascension Thursday. Pero sa kasalukuyang umiiral na liturgical calendar, nakatakda ang Solemnity of the Ascension sa 7th Sunday after Easter — 43 days sa aktwal na bilang ng mga araw.

 

May bagay na dapat nating isaisip para hindi tayo magulohan. Ang biblical ‘forty days’—pati na rin ang ‘forty years’—ay hindi nangangahulugan ng eksaktong bilang ng mga araw o taon. Figurative language ito na tumutukoy sa isang sagradong ‘period of preparation and purification.’ Maraming halimbawa nito sa Biblia: ang walang humpay na buhos ng ulan sa panahon ni Noah na nagdulot ng 150 days na baha; ang paglagi ni Moses sa Mt. Sinai para tanggapin ang Ten Commandments; ang ginugol na panahon ng pag-eespiya sa lupain ng Canaan; ang pang-iinsulto ni Goliath sa mga Israelita bago siya napatay ni David; ang pag-akyat ni Elijah sa Mt. Horeb para tagpuin ang Diyos; ang banta ni Jonah na pagkawasak ng Nineveh; at syempre pa, ang inilagi ni Jesus sa disyerto kung saan nakipagtunggali siya sa demonyo.

 

Sa konteksto therefore ng Ascension, ang forty days ni Jesus (after his suffering/death/resurrection) ay nagsilbing preparation at purification ng mga Apostoles at ng iba pang mga disciples. Kinailangan magpakita ni Jesus nang ilang beses upang patunayan na siya nga ay buháy, at pinagtagumpayan ang kamatayan gaya ng binanggit sa mga sinaunang propesiya. (Ang technical term nito ay ‘Christophanies,’ o physical appearances of Jesus to the disciples after the Resurrection.) Kung kaya, mas higit nating mauunawaan at maa-appreciate ang lubos na kahulugan ng Ascension kung idudugtong natin ito sa Resurrection o Muling Pagkabuhay.

 

DON’T TOUCH ME

 

Tunghayan naman natin ang gospel of John, chapter 20. Sa unang bahagi ng chapter na ito ang bida ay si Maria Magdalena. Sa verses 1-10, nadiskubre niya ang ‘empty tomb’ at agad itong ibinalita sa mga Apostoles sa pag-aakalang may nagnakaw sa bangkay ni Jesus. Sa verses 11-18 naman, nagpakita na kay Magdalena si Jesus na muli nang nabuhay.

 

Pagtuunan natin ng pansin ang Juan 20:17.

 

>> Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” (MBB)

 

>> Jesus said to her, “Stop holding on to me, for I have not yet ascended to the Father. But go to my brothers and tell them, ‘I am going to my Father and your Father, to my God and your God.’” (New American Bible Revised Edition: NABRE)

 

May dalawang bahagi ang talatang ito. Una, ang tila ‘pagbabawal’ ni Jesus na hawakan siya ni Maria Magdalena. Pangalawa, ang utos na sabihan kaagad ‘ang mga kapatid.’

 

Pinagbawalan nga ba ni Jesus na hawakan siya ni Magdalena? Importanteng silipin ang iba’t ibang translations para mabigyan tayo ng linaw.

 

Sa original Latin ng Gospel According to John (Evangelium Secundum Ioannem) ganito ang nakasaad sa chapter 20 verse 17:

 

> Dicit ei Iesus, “Noli me tangere; nondum enim ascendi ad Patrem.”

 

Hiniram ni Rizal ang bahagi ng talatang ito para ipamagat sa kanyang bantog na nobela. Hindi natin tatalakayin dito ang konteksto ng paggamit ni Rizal sa “Noli me tangere;” sapat na lang na sabihin na ang katumbas nito sa mga lumang English translations ay “Touch me not” (“Huwag mo akong salingin”).

 

Mas malinaw siguro ang ilang mga modernong English translations ng “Noli me tangere.” Sa halip na “Do not TOUCH me” mas tama ang konteksto ng “Do not HOLD ON to me” o kaya ay “Do not CLING to me.”

 

Hindi pa kasi lubusang naunawaan ni Maria Magdalena ang buong hiwaga ng Resurrection. Kaya nga nang makilala na niya si Jesus (bagama’t iba na ang itsura ng Panginoon), ang kanyang pagbati o tugon kay Jesus ay “Rabbouni!” na ang kahulugan ay master o teacher. Ibig sabihin, makamundong pagkatao pa rin ang pagkakakilanlan ni Maria kay Jesus; hindi pa siya handa para ma-recognize ang muling nabuhay na Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas, at ganap na ngang Anak ng Diyos.

 

Yun ang ibig sabihin ni Jesus na “Huwag ka nang kumapit sa akin.” Sa konteksto ng modernong pananalita natin ngayon, sinasabihan ni Jesus si Maria na “mag-move on na” tungo sa bagong pagkakakilanlan nila (si Maria at ang ‘mga kapatid’) sa kanilang dating pinuno at guro.

 

Dagdag pa, may mas mahalagang misyon si Jesus para kay Maria, kaya kumbaga ay sinabihan niya ito na huwag nang mag-aksaya ng panahon sa pagiging ‘clingy’ at sentimental. Kailangang iparating niya ang magandang balita ng Muling Pagkabuhay sa mga Apostoles sa lalong madaling panahon. At panghuli, kasalukuyan pang nagaganap noon ang proseso ng transition mula sa misteryo ng Muling Pagkabuhay tungo sa Pag-akyat sa Diyos Ama na nasa langit. Medyo nauudlot ang prosesong iyon sa pagiging ‘clingy’ ni Magdalena noong mga sandaling iyon.

 

PAG-AKYAT, PAGLUKLOK, AT PAGSUSUGO

 

Bakit kinailangang ‘lumisan’ ni Jesus sa mundo? Bakit hindi na lang siya nanatili sa piling natin nang forever kung talagang mahal niya ang sangkatauhan?

 

Ang sagot dito, precisely dahil mahal niya tayo ay kinailangan niyang ‘lumisan’ dahil kung hindi siya ‘aalis’ ay hindi darating ang ipinangako ng Ama na pagpapadala ng Holy Spirit sa lahat ng sumasampalataya kay Jesus (Juan 16:7). Pangalawa, ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay ang kaganapan ng kaniyang role bilang ‘high priest’ natin na maghahain sa harap ng Diyos Ama ng ‘one-time-big-time’ na alay o sacrifice—ang kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus—bilang katubusan natin mula sa kasalanan (Mga Hebreo 9).

 

Kapag nakaakyat na si Jesus sa langit, kasunod nito ang kaniyang ‘pagkaluklok sa kanan’ ng Diyos Amang makapangyarihan. Ang ibig sabihin nito ay magiging ganap na ang pagsasanib ng Anak at ng Ama kung kaya’t magkakaroon na ng authority si Jesus na ipadala ang Holy Spirit (Juan 16:7) bilang kahalili niya sa puso at diwa ng kaniyang mga followers na nasa mundong ibabaw.

 

Muli, makikita natin na ang karagdagang forty days na inilagi ni Jesus sa mundo pagkatapos ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ay upang ihanda ang mga Apostoles at iba pang mga disipulo para tanggapin ang Holy Spirit.

 

Kumbaga sa isang teleserye, ang episode ng Ascension o Pag-akyat ni Jesus sa Langit ang climax ng buong kwento, at ang magiging ending nito ay ang pagbaba ng Espiritu Santo at ang pagpasok niya, una sa mga hinirang na Apostoles, at sa paglipas ng panahon ay sa lahat ng mga sumasampalataya (Mateo 28:18-19; Mga Gawa 2:4; Isaias 66:18; Joel 3:1-5).

 

Ang pag-alab ng Espiritu Santo sa ating mga kalooban ang magiging resulta ng buong earthly mission ni Jesus ng pagliligtas ng sanlibutan mula sa kasalanan na nagdudulot ng kamatayan. At ang patuloy na paglaganap na ito ng Holy Spirit sa mundo (sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa alang-alang kay Kristo) ang siya namang magiging kaganapan ng pangako ni Jesus na ang pag-akyat niya sa langit ay upang ihanda ang ating mga tahanan doon kapiling nila ng Diyos Ama (Juan 14:1-4).

 

Bilang pangwakas, ang Pag-akyat sa Langit ay hindi nangangahulugang nilisan na tayo ni Jesus. Sa katunayan ay kabaligtaran—o opposite—ang buong saysay ng Ascension: upang maipadala at bumaba sa atin ang Holy Spirit para maisakatuparan na nga nang lubos ang buong living presence ni Jesus sa anumang sandali, sa lahat ng panahon, saan mang dako ng daigdig. Ito na ang magiging kaganapan o fulfillment ng pangako sa atin ng ating Panginoon (sa Mateo 28:20).

 

>> “Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”



Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!