SEASONAL SPIRITUALITY

Sunday Gospel Reflection
Palm Sunday

SEASONAL SPIRITUALITY
—Nico Gamaliel

Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Araw ng Linggo ng mga Palaspas, o Palm Sunday, kung saan ginugunita ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem upang maisakatuparan ang kaniyang misyon ng pagpapakasakit at pagpapakamatay para sa katubusan ng sanlibutan.

Sa ating dalawang pagbasa ng Ebanghelyo ngayong araw (isa para sa Prusisyon ng mga Palaspas at isa para sa Misa), halos kumpleto na ang buong kuwento ng mga pangyayari para sa buong Holy Week, magmula sa bago pa pumasok si Jesus sa Jerusalem hanggang sa kaniyang pagkalibing.

Pero pagtuunan muna natin ng pansin ang umpisa—o intro, kumbaga—sa kuwento ng Pasyon ni Hesus. At ito nga ang matagumpay na pagpasok niya sa Jerusalem.

———-

Bakit “matagumpay”?

Unang-una, ayon sa salaysay ng mga Ebanghelyo (Matthew 21:8-11; Mark 11:8-10; Luke 19:36-38; John 12:12-13) ay sinalubong ng madla si Hesus nang buong pagbubunyi, kasama na ang paglalatag nila ng kanilang mga damit sa dadaanan ng asno o donkey na sinasakyan ni Hesus, at ang pagwawagayway ng mga palma o palaspas. Ang pagwawagayway ng mga palaspas ay isang tradisyunal na expression ng mga Hudyo para ipagbunyi ang isang malaking tagumpay (1 Maccabees 13:51; 2 Maccabees 10:7) bukod pa sa pagbibigay parangal at papuri sa Diyos (Leviticus 23:40; pati na rin Revelation 7:9).

Pangalawa, ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem nang nakasakay sa isang donkey ay pagsasakatuparan ng propesiya sa Zechariah 9:9 tungkol sa pagdating ng hari.

At ikatlo, ang pagpasok sa Jerusalem ay umpisa na ng “climax” ng misyon ni Hesus dito sa daigdig.

Very dramatic yung event na yun, kung saan si Hesus ay tila isang celebrity na dinumog ng napakaraming tao na sama-samang isinisigaw bilang pagbati sa kaniya ang “Hosanna” (John 12:13). Sa wikang Hebreo, ang “Hosanna” ay nangangahulugang “Panginoon, iligtas mo kami” (Psalm 118:25-26).

Ang masayang kaguluhan na iyon ay nagpapahiwatig na itinanghal ng madla si Hesus na tila isang hari, o kaya’y ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay bilang tagapagligtas mula sa pagkakasakop sa kanila ng mga Romans. Kagimbal-gimbal ang lahat ng mga iyon para sa mga tradisyunal na pinuno ng mga Hudyo, lalo na ng mga kaparian ng kanilang Templo. Kaya pinagplanuhan nilang patayin si Hesus, bagamat aminado sila na hindi nila ito maaaring gawin kaagad-agad dahil napakaraming tao noon sa Jerusalem (Mark 14:2).

Paparating kasi noon ang Pista ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa (Passover and Feast of the Unleavened Bread). Nagkataon din marahil na kakatapos lang ng himala ng muling pagsasabuhay ni Hesus sa namatay nang si Lazaro (John 12:1-2), kung kaya mas higit na lumaganap ang balita ng mga kakaibang uri ng kapangyarihang taglay ni Hesus (John 12:17-18).

———-

Mayroong tatlong mahahalagang kapistahan o “pilgrimage Festivals of the Lord” na ginugunita ng mga Hudyo noon. Ang mga ito ay napakahalagang religious obligations kung saan required— lalo na ang mga kalalakihan—na tumungo sa Templo sa Jerusalem tatlong beses bawat taon (Exodus 23:14-17; 34:23; Deuteronomy 16:1-17).

Mantakin na lang natin kung gaano kahirap ito tuparin, lalo na para sa mga Hudyong salat sa buhay. Magastos ang maglakbay papuntang Jerusalem, tagtag ang katawan, nauudlot ang kabuhayan. Pero bahagi ito ng mga obligasyon ng isang responsableng mananampalataya noon.

Sa paglipas ng panahon, nadagdagan pa ang pasakit na ito ng napakaraming samu’t-saring regulasyon na ipinataw ng mga Phariseo batay sa kanilang literal na interpretasyon ng mga Kautusan. Ayon sa ilang mga biblical scholars, aabot sa higit 600 ang bilang nitong mga sobrang detalyadong regulasyon na ito! Kung kaya binatikos ito ni Hesus dahil humantong na sa walang saysay na simpleng external religious observance ang pagtupad ng mga regulasyon na ito at pabigat na lang sa taumbayan (Matthew 23:4-5; 11:28)

External religious observance: panglabas na gawain pero walang laman sa loob. Pagsunod lang sa mga itinakdang alituntunin pero walang malalim na koneksyon sa totoong damdamin.

———-

Marahil, maihahambing natin ang tatlong obligatory religious festivals ng mga Hudyo noon sa sarili nating panahon ngayon bilang mga Katoliko. Sa loob ng isang taon, meron tayong tatlong high-profile liturgical points: Ash Wednesday, Holy Week, at Christmas season.

Tulad ng inaasahan, dagsa-dagsa ang mga Katolikong nagpaparticipate sa mga activities ng Simbahan sa mga panahong nabanggit. Punong-puno ang mga simbahan kapag Ash Wednesday. Napakaraming tao sa mga pilgrimage sites kapag Holy Week. At syempre pa, usong-uso ang mga religious/biblical motifs kapag papalapit na ang Pasko.

Speaking of Christmas, isa sa mga kantang madalas nating marinig sa panahon ng kapaskuhan ay ang “Give Love On Christmas Day” ni Michael Jackson. Kung pag-iisipan talaga ang mensahe ng kanta, maitatanong natin: kapag Pasko lang ba tayo dapat magbigay ng pagmamahal sa ating kapwa? Papaano pag lumipas na ang Pasko? Kung “give love on Christmas day” lang tayo, hindi natin sinusunod ang “second greatest commandment” na inihabilin sa ating ng ating Panginoon (Matthew 22:39; Mark 12:31).

Ngayong mga darating na araw nitong Holy Week, maganda sigurong maglaaan tayo ng panahon para suriin ang ating mga sarili hinggil sa relasyon natin sa Diyos. Buong puso ba, o routine na lamang tuwing araw ng Linggo, ang ating participation sa Banal na Misa kung saan naroon ang aktwal na presence ni Jesus sa Eucharist?

Gaano kadalas nating pagtuunan ng atensyon at pag-ukulan ng ating panahon ang Diyos? Tuloy-tuloy ba ang effort natin na pag-aralan at pagnilayan ang kaniyang mga Salita, sumunod sa kaniyang mga tagubilin, at tumalima sa kaniyang mga utos? O naaalala lang natin bigyan ng focus ang ating religious life kapag dumarating na ang mga importanteng liturgical seasons?

Kung nakiki-uso lang tayo at nakikisabay sa takbo ng panahon (mga “seasonal Catholics” kung tawagin), dapat lang siguro tayong mabahala, dahil lumalabas na ang ating spirituality ay “weather-weather lang.”

[ E N D ]

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!