Parish Fiesta 2019 Revisited

Parish Fiesta 2019 Revisited

by: Nathania Marie Lumbre

Ipinagdiwang ng Parokya  ang kapistahan ng Corpus Christi  na sinimulan ng Novena Masses na pinangunahan ng mga pari mula sa iba’t ibang simbahan. Isa dito ang dating Kura Paroko na, si Fr. Robert Reyes. Ang mga umawit sa bawat misa ay mga nagmula rin sa iba’t ibang parokya. Nagbigay ng alay ang mga Areas at Dorm Communities bilang pakikibahagi sa Novena Mass. 

Nagkaroon ng selebrasyon para sa mga kabataan, ang Youth Night, noong Hunyo 15,  na pinangunahan naman ng Youth Ministry. Sa programang ito nagkaroon ng mga pagdarasal, pagninilay at nagbahagi din ang mga tagapagsalita na sina Benny Hate, Ynah Jabonero at Gerald Abastillas tungkol sa kanilang karanasan sa World Youth Day 2019 at National Youth Day 2019. 

Kabilang sa pagdiriwang ng Parish Fiesta, nagkaroon ng forum noong Hunyo 20, tungkol sa unang misang Katoliko, ang “Limasawa Revisited: God’s Gift  of 500 Years of the Eucharist to the Philippines”. Ang pangunahing tagapagsalita ay sina Dr. Rolando Borrinaga at Fr. Dennis Cagantas na nagmula sa diyosesis ng Maasin, sa Leyte. Dinaluhan ang nasabing forum, hindi lamang ng mga parokyano kundi pati ilang miyembro ng Church of the Risen Lord.  

Nagsimula ang araw ng Parish Fiesta (Hunyo 22, Sabado) sa pagdiriwang ng Kasalang Bayan na inorganisa ng Family and Life Ministry. Tatlong pares ang kinasal na pinamunuan ni Fr. Serge Maniba. Kasabay  nito nagkaroon ng Palarong Pambata na isinagawa Youth Minisrty kung saan mahigit 155 na kabataan ang nakisali at naglaro. Pagdating ng hapon, nagkaroon naman ng Kumpilang Bayan kung saan tatlumpu’t anim ang nakatanggap ng sakramento. Sila ay dumaan sa dalawang araw na seminar at tumanggap ng Sakramento ng Pagsisisi bilang paghahanda. Si Msgr. Daniel Sta. Maria ang nanguna sa pagdiriwang ng Kumpilang Bayan na inorganisa ng Catechetical Ministry. Sa gabi, nakumpleto ang pinakahuling Novena Mass sa pangunguna ni Bishop Honesto Ongtioco.

Natapos ang selebrasyon sa araw na iyon sa pagkakaroon ng salu-salo sa Fiesta Fellowship Night. Dito ay kinilala ang mga matagal nang naglilingkod sa simbahan na miyembro ng iba’t ibang mga ministry, gaya ng Lectors and Commentators Group, Greeters and Collectors at EMHC. Ginanap ang Fellowship Night na ito sa Bahay ng Alumni kung saan nagkaroon din ng maikling programa na dinaluhan ng bawat ministry.

Linggo ng selebrasyon ng Fiesta ay nagkaroon ng prusisyon ng Banal na Eukaristiya na pinangunahan ni Fr. Bong Tupino, matapos ang 4PM Mass. Dumaan ang prusisyon sa mga komunidad ng Areas 1 at 2, at ilang mga kalapit na lugar. Nakibahagi din ang bawat ministry sa lahat ng mga misa sa araw na ito.

Naging matagumpay at makabuluhan ang selebrasyon ng nagdaang Parish Fiesta! Lubos na nagpapasalamat ang simbahan sa lahat ng mga dumalo at nakiisa sa pagdiriwang na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *