Pagtatapos ng Taon ng Parokya, isinagawa sa PHS

Pagtatapos ng Taon ng Parokya, isinagawa sa Parokya ng Banal na Sakripisyo
Hamon sa BECs: Magpalawak, magparami

Patrick Angelo Narciso

Palawakin pa ang ugnayan sa bawat Munting Sambayanang Kristiyano (MSK) ang hamong iwan sa Parokya ng Banal na Sakripisyo (PBS) sa pagtatapos ng Taon ng Parokya, Set. 23.

“Wag tayong manatili sa mayroon tayo ngayon bagkus ang hamon palagi ay paramihin, palaguin po natin ang ating Munting Sambayanang Kristiyano,” sabi ni Fr. Henry Ferreras, ang kura paroko ng PBS.

Mas kilala sa tawag na Basic Ecclesial Communities (BECs), mayroong 14 na MSK na bumubuo sa nasabing parokya.

Nabanggit ni Fr. Ferreras ang isa sa mga naging rekomendasyon ni Obispo Honesto Ongtioco, DD noong siya ay dumalaw sa Parokya nitong Hulyo.

“Ang hamon sa atin noong pastoral visit ng ating mahal na obispo, ang isang [recommendation] niya sa BEC ay palaguin, magbuo ng iba pang mga cells,” wika niya.

Idiniin din ng kura paroko ang kahalagahan ng pagiging kasali ng lahat.

“Sinabi nating sa BEC lahat kasali, kasali lahat. Isasali natin lahat yung ating kapitbahayan. Papalawakin dapat natin yung naabot natin. Wag nating sasabihing ‘Ay! Marami na kami,’” sabi ni Fr. Ferreras.

“Buhay ang pamayanan sa pamamagitan ng pagsasama-sama. Kasali lahat. Sabi ni San Pablo, kung walang maghahatid ng Mabuting Balita, kung may kakulangan tayo sa pagdadala nito sa ating mga kapitbahayan, papaano ito maririnig?” dagdag niya.

Bilang pagtugon, siniguro naman ni Sis. Erlinda Cinco, ang kasalukuyang punong tagapag-ugnay ng BECs, na magpapatuloy ang pag-anyaya sa kapitbahayan patungo sa simbahan.

“Ang mga area coordinator talaga ay may tungkuling lumabas sa mga kapitbahayan… at mayaya silang pumunta sa parish,” sabi niya.

Ilan sa mga pagkakataong nag-aanyaya sila upang mas mapalapit sa simbahan ang kapitbahayan, ani Sis. Cinco, ay tuwing mayroong pagdiriwang pansimbahan sa mga pamayanan, tulad ng Banal na Misa o Area Mass at Bible sharing.

Sa ginawang pagdiriwang ng pagtatapos, 13 MSK ang nakiisa sa inihandang programa kabilang ang prusisyon sa paligid ng parokya, pagdiriwang ng Banal na Misa, at fellowship sa Bulwagang Delaney.

Bagama’t isinara na ang Taon ng Parokya sa PBS, sa darating pang Dis. 2, 2017 ang pormal na pagtatapos ng nasabing taon sa buong Diyosesis ng Cubao.

Ang paalala ni Fr. Ferreras, “Ito pong pamayanan, sana’y hindi po magtapos sa pagtatapos ng Year of the Parish. [San’y] magpatuloy sapagkat hindi naman tayo nawawala. Di naman nawawala ang pamayanan.”

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!