Mga scandals tungkol kay God

Reflection on the Twenty-Second Sunday in Ordinary Time

August 30, 2020

Mga scandals tungkol kay God

Rex Francis M. Flores

Ministry of Lectors and Commentators

Coordinator, Parish Biblical Apostolate

Very dramatic and scandalous ang pinaka-unang verse sa mga readings ngayong araw na ito (22nd Sunday in Ordinary Time). Naghihimutok si prophet Jeremiah kay God!  Actually hindi lang naghihimutok, parang nanunumbat pa. Sinusumbatan niya ang Diyos! Napaka-bitter ang hugot ng kawawang propeta.

Kung babasahin ang iba’t ibang English translations ng verse 7 ng Jeremiah chapter 20, mabigat ang mga paratang: “You deceived me;” “You misled me;” “You duped me;” etc. Ang root word kasi sa Hebrew nung verb sa verse 7 ay mayroong parehong kahulugan na ‘to seduce’ at ‘to deceive.’ Kung tatagalugin: inakit at/o nilinlang. Kaya, ang sumbat ni Jeremiah sa Diyos ay tipong, “Inakit mo lang ako at nilinlang.”

Wow! Nakaka-disturb pakinggan, di ba? Bakit nagkaganun ang propetang ito, na pinili mismo ng Diyos bilang Kaniyang sugo? (“Bago ka pa ipinaglihi at ipinanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.” — Jer 1:5)

Matatandaan na noong umpisa ng prophetic career ni Jeremiah, nagpahayag siya ng pagtutol sa panawagan ng Diyos. Ang dahilan niya ay napakabata pa niya para gampanan yung inaatas sa kaniya. Scholars believe na mga 17-years-old lang si Jeremiah nang tawagin siya ni God.

Pero siyempre, ang kagustuhan ng Diyos ay hindi maaaring mabali. Na-balewala ang pagtutol ni Jeremiah dahil binigyan siya ng Diyos ng “kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian…” At hindi lang authority ang binigay ng Diyos kay Jeremiah. Binigyan din siya ng assurance na palaging nasa likod niya ang Diyos para protektahan, at para pagtibayin ang Kaniyang salita.

At humayo nga si Jeremiah upang ipahayag ang mga mensahe ng Diyos.

Yun nga lang, hindi naging katanggap-tanggap para sa mga tagapakinig ni Jeremias ang mga salita niya. Tuloy, naging masama si Jeremias sa mata ng mga tao — sa pamahalaan, sa taumbayan, at maging sa mismong pamilya na rin niya. Kaya ganun na lang ang resentment niya sa Panginoon.

Ang First Reading natin ngayon (Jer 20:7-9) ay itinuturing ng mga biblical scholars bilang isa sa anim na kung tawagin nila ay ‘Confessions of Jeremiah.’ Confessions, hindi dahil sa umaamin siya ng pagkakasala, kundi dahil naglalabas siya ng malalim na saloobin niya.

Ilang beses kasing pinagbantaan ng mga tao si Jeremias ng kapahamakan. Ilang beses nalagay sa alanganin ang kaniyang buhay dahil lang sa pagtupad niya sa kaniyang misyon. Pinagtawanan, hinamak, tinuya. Maligalig ang kalagayan ng mundong hinarap ni Jeremias, puno ng kadiliman at kung anu-anong kasakiman. Ito ang background o context ng mga ‘confessions’ o matinding himutok ni Jeremias kay God.

“Bakit ako dumadanas ng mga injustice at sufferings samantalang tinutupad ko lang naman ang mga pinagagawa Mo?” “Ipagtanggol Mo ako sa mga nang-aapi sa akin. Parusahan Mo sila!” “Bakit kung sino pa ang masasama parang sila pa yung maginhawa ang buhay?” “Nananahimik ako nang tawagin Mo; ito ba ang kapalit ng aking pagtalima sa Iyo?” “It’s so unfair!”

Iyan ang mga resentments ni Jeremiah. Kaya ganun na lang ang kaniyang frustration (sa verse 7 ng chapter 20): feeling niya ay nauto lang siya ni God.

Kung iisipin, parang scandalous talaga ang mga statements na yun ni Jeremiah. Dahil kung tutuusin, hahantong ito sa mga tanong na, “May karapatan ba ang sinuman na magreklamo sa Diyos?” “Tama ba para sa isang nilalang ang sumbatan ang naglalang sa kaniya?” Pero kung pagninilayan pa natin nang husto, hindi ba parang pamilyar — lalo sa kasalukuyang panahon — ang mga saloobin ni Jeremiah? Sa totoo lang, hindi kaya eksakto ang mga tanong ni Jeremiah sa mga kinikimkim nating tampo sa Diyos dahil sa mga dinadanas natin ngayon?

Nakaka-guilty talaga. Nakaka-iskandalo ang mag-isip man lang ng mga ganito. Para kasi nating tsina-challenge si God. Again, do we have the right to ask God, “Why?”

Tunghayan naman natin ang Gospel reading (Mt 16:21-27). Ito ang first time na ilalahad ni Jesus sa kaniyang mga disciples ang totoong pinatutunguhan ng kanilang misyon. Malinaw na sasabihin ni Jesus na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem para tanggapin ang magiging pagpapahirap at pagpatay sa kaniya ng mga Hudyo, dahil yun ang Kaniyang destiny.

Scandal na naman! Iba kasi ang inaasahan ng mga disciples. Sa buong panahon na iyon ng kanilang pagsunod kay Jesus, akala nila ay siya na ang pinakahihintay nilang liberator ng bayang Israel. Ang pagkakaunawa kasi nila sa ‘Messiah’ ay isang political-military leader na mamumuno sa isang matagumpay na rebolusyon laban sa rehimen ng Roman Empire. Tapos sasabihin sa kanila na willing ang kanilang lider na magpapatay sa mga kalaban? How scandalous!

Kaya ganun na lang ang pagtutol ni Peter, na nagsabing hindi pwedeng mangyari ang sinabi ni Jesus. At dahil sa statement na iyon ni Pedro, siya ay nilibak (rebuked) ni Jesus at tinawag na Satanas!

Siguradong scandalized din si Peter, lalo na’t tinawag siyang satanas sa harap ng iba pang mga disciples. (Ang original meaning ng ‘satan’ sa salitang Hebrew ay ‘adversary’ or ‘accuser’ in a court of law — an obstacle to the truth.) Bago ang incident na ito, kakatapos lang itanghal ni Jesus si Peter bilang ang “bato” na siyang magiging pundasyon ng Simbahan na itataguyod ni Jesus. Ngayon naman, bigla na lang siyang tatawaging satanas.

Ilagay natin ang sarili natin sa lugar ni Pedro. Ano kaya ang mararamdaman natin? Confusion? Matinding hurt? Pagkapahiya? Disappointment? Nakaka-iskandalo talaga. Tapos narinig pa ng mga kasama nila. Talagang nakapangliliit.

Sinundan pa kaagad ito ni Jesus ng isa pang scandalous statement sa kaniyang mga disciples. Kailangan daw nilang pasanin ang kanilang mga krus kung talagang gusto nilang sumunod sa kaniya.

Noong panahon na iyon, ang crucifixion ay isang notorious na paraan ng pagpaparusa ng mga Romans para sa pinakamababang uri ng mga kriminal. Ang katumbas marahil nito sa ating panahon ay ang tokhang-style ng execution: binabalot ng tape o plastic ang ulo, binubugbog, sinasaksak o binabaril, at iniiwang nakahandusay ang bangkay sa kalsada. Alam nating lahat na ang mga ganitong na-tokhang ay maliliit na tao lang, o yung tinatawag nating nasa laylayan ng lipunan — mga small time, pero ‘salot.’

Ngayon, imagine natin ang mga disciples. Asang-asa sila na si Jesus na nga ang kanilang magiging matagumpay na lider. Isang dahilan ito siguro kung bakit marami ang sumunod sa kaniya. At ngayon, sasabihan sila ng mga bagay na hindi kanais-nais sa pandinig o hindi katanggap-tanggap sa isip at kalooban. Hindi tuloy kataka-taka kung bigla na lang feeling scandalized ang mga disciples.

Balikan natin yung First Reading. Ang mga himutok o ‘confessions’ ni Jeremiah ay sumusunod sa pattern ng mga dasal na kung tawagin ay ‘biblical lament’ — mga panaghoy na nagsasaad o nage-express ng napakasidhing dalamhati at hinagpis. Parang ponebre sa patay. Pero, sa dulo ng mga panaghoy na ito, tutumbasan naman ng pagsasaad ng pag-asa at pagtitiwala sa kaligtasang dulot ng Diyos.

Kaya, bagamat medyo scandalous ang opening ni Jeremiah sa reading, bandang huli ay babawiin naman niya ito. Aaminin niya na gustohin man niyang talikuran ang kaniyang misyon, hindi niya kayang gawin dahil ang utos o salita ng Diyos ay “parang apoy na nakakulong sa aking mga buto” na kailangan niyang ilabas.

Ganoon din naman sa Gospel reading. Bagamat parang scandalous ang mga unang pahayag ni Jesus, susuklian naman niya ito (sa bandang dulo ng reading) ng pangako ng kaluwalhatian, bilang kapalit ng katapatan at pagtitiis alang-alang sa kaniya. “Gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito.”

Very reassuring itong closing verse ng ating Gospel reading ngayon. Pinapangako ni Jesus mismo na ang anumang paghihirap na mararanasan natin ay may kapalit na gantimpala — depende sa ating response. Kaya, ang nararapat nating response ay kagaya ng sinasaad sa Responsorial Psalm ngayon (Ps 63). Habang natutuyot ang ating katawan at nauuhaw ang ating kaluluwa, mas dapat nating kilalanin na tanging si God lang ang makakapagpawi ng pagkatuyot at pagkauhaw na ito.

Marami pang ibang conditions o demands si God sa atin na tila scandalous, mahirap unawain kung hindi natin sasadyaing palalimin ang ating pananampalataya. Iba kasi ang pamantayan ng Diyos kumpara sa standards ng mundo. “For my thoughts are not your thoughts, nor are your ways my ways…” sabi ni God (Is 55:8). “The foolishness of God is wiser than human wisdom…” (1 Cor 1:25). Kaya ganun na lang din ang paalala ni Saint Paul sa atin sa Second Reading: “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito” (Rom 12:2).

Kanina pa natin nababanggit ang scandal o iskandalo. Ito ay hango sa Greek word na ‘skandalon’ na ang ibig sabihin ay snare (patibong) o kaya ay stumbling block. Naging ‘scandalum’ sa Latin na ang ibig sabihin ay cause of offense, hanggang sa naging Middle English na ‘scandal’ na ang kahulugan ay discredit to religion. Batay sa mga definitions na ito, maraming bagay na makamundo ang talaga namang nagiging obstacle o balakid sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, kaya ito scandalous.

Lalo na ngayong panahon ng pandemya, halos nakakulong na lang tayo sa ating mga bahay. Dahil sa napakahabang quarantine na ito, kung anu-ano ang ating inaatupag bilang coping mechanisms laban sa stress. Isa na sa mga ito ang personal entertainment gaya ng Netflix, Spotify, Facebook, TikTok, WeSing, etc. Ingatan na lang natin siguro na hindi maging hadlang ang mga ito sa ating relasyon kay God. Kasi, kung mas binibigyan natin ng oras ang mga ito kaysa sa pagpapalalim ng ating pananampalataya, hindi lang ito nagiging stumbling blocks (‘skandalon’) kundi nagiging idols na natin, kapalit ng ating atensyon at panahon na dapat i-devote sa Diyos. Alalahanin natin ang First Commandment!

Speaking of “mundong ito,” marami pa rin — hanggang sa panahon natin ngayon — ang naniniwalang isang malaking scandal ang Crucifixion: “Ikaw ay Diyos tapos papayag kang magpapako sa krus?” Kahibangan nga, kung ang basehan ay ang pag-iisip at katuwiran ng tao.

Pero matagal nang sinagot ni Saint Paul ang isyung iyan: “We do not preach in terms of philosophy, in which the crucifixion of Christ cannot be expressed. The language of the Cross may be illogical to those who are not on the way to salvation” (1 Cor 1:17, Jerusalem Bible).

Bilang pangwakas, kailangan magnilay tayo at tanungin ang ating mga sarili kung kasama ba tayo sa “those who are not on the way to salvation” (lalo na sa kalagayan ng mundo ngayon kung saan laganap ang isang mabagsik na salot, na isang serious threat sa ating survival). Kung sa tingin natin ay posibleng mapabilang nga tayo sa mga iyon, aba’y dapat lang talaga tayong maiskandalo!

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on reddit
Reddit
Share on email
Email
Share on print
Print

Read more!