Mapili ang Diyos

Mapili ang Diyos

            Itaas ang kamay kung sino man sa inyo ang nagulat, nagtaka, o nabahala sa narinig sa ebanghelyo natin ngayon. Kung nakikita niyo lang ako, dalawang kamay pa aking itinataas! Nakakabahala sapagkat nakita natin ang tilang kakaibang Hesus – isang Hesus na malayo sa ating pagkakakilala sa Kanya. Sino ba naman ang hindi magugulat sa hindi Niya pag-pansin sa babaeng naghihinagpis dahil sa kanyang nagdurusang anak? Sino ba sa atin ang hindi nagtaka na tila mapili ang pagliligtas na inilahad ni Hesus sa babae? At sino ba ang hindi nabahala sa tila pagkumpara ni Hesus sa babae at sa isang aso? Upang dagdagan pa ang eksenang ito, makikita rin natin kung paano pinapaalis at tinataboy ang babae ng mga apostol? Ano kaya ang nasa isip nina Hesus at mga apostol? Hindi kaya maganda ang gising nila? Ano kaya ang nakain nila?

            Mapili ang Diyos. Ito ang unang sumagi sa isip ko nang mabasa ko ang ebanghelyo ngayon. At nahirapan ako tanggapin na ang Diyos kong kilala – mapagbigay, maawain, maunawain, mapagmahal – ay tila pinagdamutan ang babaeng humihingi ng tulong. “Gaputok ma’y di tumugon si Hesus.” Snob. Dedma.

            Mapili ang Diyos. Akala ko ba nagkatawang-tao ang Diyos upang iligtas ang lahat? Ikaw. Ako. Sila. Tayong lahat. Pero bakit tila hindi kasama ang Cananeang lumuhod na sa harap Niya at nagmakaawa na pagalingin ang kanyang anak? “Sa mga tupang naliligaw ng samabahayan ng Israel lamang ako sinugo.”

            Mapili ang Diyos. Hindi ko matanggap na nagawang ihambing ni Hesus ang babae sa isang aso. Humihingi lamang ng tulong ang Cananea ngunit tila nagawa pa siyang laitin ni Hesus. “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” Kung ako yung nasa posisyon ng babae, nasagot ko siguro si Hesus, “Ano?! Aso ako?! Bahala ka na dyan! Di ko kailangan ng tulong Mo!”

            Ngunit mapili ba talaga ang Diyos?

            Sa ating karanasan, mas komportable tayo sa mga taong pasok sa ating grupo – kaperahas ng gusto, gawain, talento, mga trip sa buhay. Madali natin isantabi at ipawalang-bahala ang mga taong nasa labas ng ating grupo. Kung mayroon mang mapili sa ebanghelyo natin ngayon, ito yung mga apostol. “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Ngunit, kung pagmamasadan talaga natin ang ginawa ni Hesus, tayo ay mabibigyan ng inspirasyon sa kung paano ba makitungo sa iba.

            Hindi naman talaga tinanggihan ni Hesus ang babae, bagkus ay nagsimula siya ng isang pag-uusap at ugnayan. Dialogue. Kinakailangan lang nating making – nang hindi namimili o pinipilit, walang kinikilingan, at isang pakikinig na niyayakap ang lahat. At sa pag-uusap, mas lalo nating naiintidihan ang sitwasyon at kinalalagyan ng bawat isa. Lumalabas ang mga laman ng puso, mga bagay at tao na ating pinapahalagahan – nang sa gayon, mas lalo tayong makatugon ng nararapat sa sitwasyon.

            Sa panahon natin ngayon kung kailan napakataas ng diskriminasyon, pang-aapi, pagsasantabi, poot, at galit, tayo ay tinatawag na mas maging maunawain at tumatanggap. Maging mapagkumbaba at mas mapasensya sa mga taong ating nakakasalamuha. At minsan, kinakailangan lang ng ilang minuto ng ating oras kapalit ng mas mahaba at malalim na relasyon.

            Nawa’y lagi tayong bumalik sa pagkatao at buhay ni Hesus.

            Sapagkat ang Diyos ay hindi mapili.

            Sapagkat, kahit kailan, hindi naging mapili ang pag-ibig ng Diyos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *