Kabataang Katoliko ng UPD, tumindig laban sa mga kasong isinampa sa mga lider-simbahan

By: Patrick Narciso

Ang mga kabataang Katoliko ng UP Diliman ay nanindigan laban sa isinampang sedisyon sa mga lider ng simbahan sa pamamagitan ng isang candle lighting sa panggabing misa sa Parish of the Holy Sacrifice (PHS) noong Agosto 22.

Nagsagawa ng solidarity mass at candle lighting ang mga kabataang Katoliko sa pangunguna ni Padre Bong Tupino, kura paroko ng PHS. Ang pagtindig laban sa kasong isinampa sa mga ilang obispo, pari, at layko ay inisyatiba ng mga organisasyon mula sa UP Catholic Students Community.

Mahalaga ang naturang kaganapang pang-pagkakaisa at pagdarasal para sa bansa sapagkat nais iparating ng kabataan ang kanilang suporta para sa mga lider ng simbahan at ang paninindigan nila tungkol sa mga pangyayari sa bahnsa, ani Anya Villanueva, Formation Director for Members ng UP Student Catholic Action (UPSCA). “As Catholic youth, we could not stand that the administration is taking away our very right to freely express thoughts,” ani Villanueva.

Noong ika-18 ng Hulyo, kinasuhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang 36 indibidwal ng sedisyon at cycle libel, estafa, harboring a criminal, at obstruction of justice. Kabilang sa mga kinasuhan sina Arsobispo ng Lingayen-Dagupan Socrates Villegas, Obispo ng Cubao Honesto Ongtioco, Obispo ng Caloocan Pablo Virgilio David, dating Obispo Teodoro Bacani, Jr., P. Flaviano Villanueva, P. Albert Alejo, P. Robert Reyes, at Brother Armin Luistro.

Ang mga nasabing lider ng simbahan ay kilala sa pagpapahayag ng kanilang pagtuligsa sa mga polisiya ng kasalukuyang administrasyon, partikular sa paglabag ng karapatang pantao at malawakang pagpatay.

“Instead of addressing the genuine concerns that people face, the administration chooses to steer clear from the reality and silence all those critical of prevalent inhumanities,” ayon sa UPSCA.

Ang kasong isinampa sa mga taong simbahan ay kaugnay ng paglutang noong Mayo ni Peter Advincula, alyas Bikoy, na tagapagsalaysay sa mga bidyong Ang Totoong Narcolist. Sa bidyo ay sinasabing ang pamilya at kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Imposibleng gawin ito ng mga nasabing taong simbahan, ani Sister Hazel Ladiero ng Handmaids of the Divine Heart. “They don’t have the time…and if they did, they won’t do these things kasi naninindigan sila, may prinsipyo sila,” ani Ladiero. “Truth is very important…and we know that the accused church leaders are people of sincerity and truth.”

Ang gobyerno ay mayroon din naman tungkuling tumayo para sa katotohanan, ani Tupino. “As [government officials] are the leaders of the country, they should also have a common interest of serving the citizenry and not to serve their selfish interest,” dagdag niya.

Sa kabilang banda, dapat maidiin ang kolektibong pag-iisip at pag-aksyon dahil ito ay mahalaga para sa kalagayan ng bansa ngayon, ani Precy Dagooc ng Pagkakaisa ng Kababaihan para sa Kalayaan-Youth. “Mahalaga na pag-aralan natin kung paano natin pagsasama-samahin ang mga usaping ito, at magsimula tayo sa maliit na hakbang papunta sa hustisya para sa lahat,” ani Dagooc.


May kasamang mga ulat mula kina Lyka Ordoñez at Martin Singh.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *